Nung isang araw po ay napaisip ako na magsuri sa paksa tungkol sa panalangin, hindi para ituro kundi para sa aking sariling hangarin na lumago at maranasan pa ang pagpapala ng pananalangin. Naisip ko pong basahin ang isang sikat na aklat na matagal ko nang nakikita pero dahil sa dami ng pahina ay wala akong ganang subukan. Hehe. Pero sa pagkakataong ito ay sinubukan ko siyang basahin at bigla po akong napatigil ng aking mabasa ang mga katagang ito,
"Only God can move mountains, but [our] faith and prayer move God." - E.M. Bounds
Sa Tagalog po ganito ang sinasabi, "Diyos lamang ang may kakayanang magpagalaw ng bundok, pero ang [ating] pananampalataya at pananalangin ay nagpapagalaw sa Diyos."
Sa totoo lang, hindi ko na po binasa pa ang mga sumusunod na pangungusap dahil may mga ilang bagay sa Biblia ang nakita kong sinagasaan ng mga pananalitang iyon. Ako rin po ay namamangha dahil sa aking buhay Kristiyano, matagal ko nang narinig ang katagang iyon pero dahil sa aking kawalan ng karanasan siguro sa katotohanan ng Biblia ay buong puso ko itong tinanggap noon gaya rin ng marami. Basahin po natin ang pinanggalingang ng pangungusap na ito. Ito po ang sabi, Mark 11:22-23 AMB
At pagsagot ni Jesus ay sinabi Niya sa kanila, "Taglayin niyo ang pananalig ng Diyos. Dahil sinasabi Ko sa inyo ang totoo na sinumang magsabi sa bundok na ito, 'Matanggal ka at malagay ka sa gitna ng dagat!' at di siya nag-alinlangan sa kaibuturan ng puso niya, kundi ay naniwala siya na ang sinasabi niya ay nagaganap, mangyayari sa kanya ang anumang sinabi niya.
Efeso 2:8-9 MBB
Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; 9 hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman.
Ano po ang ating matututunan sa dalawang talatang ito patungkol sa ating pananampalataya?
Una po, ay ang pananampalataya ay kailangan taglayin ng tao para magawa niya o matanggap niya ang pagpapala ng Diyos gaya ng kaligtasan o anumang pangangailangan natin sa buhay.
Pangalawa po, na ang pananampalatayang ito ay nanggagaling sa Diyos at ito ay kaloob Niya sa tao. Sabi ni Pablo, "hindi mula sa inyong sarili…"
Pangatlo, hindi lamang ang Diyos ang may kayang magpagalaw sa bundok, sinabi ng Panginoon, "mangyayari ang sabihin niya…" tao po ang tinutukoy ng Panginoon dito at hindi napo ang Diyos. Ang taong may pananalig na galing sa Diyos ay magagawang utusan ang bundok [hindi Diyos] para ito ay kumilos! Hindi po ba na malinaw ang pangungusap ng Biblia? So ibig sabihin ang pangungusap na, "Diyos lamang ang makapagpapakilos ng bundok.." ay hindi biblikal batay sa sinasabi ng Panginoon na ang taong may pananampalataya [na galing sa Diyos] ay makakapagpakilos ng bundok.
Bakit po ganito? Dahil ang taong may pananalig na galing sa Diyos ay pinananahanan ng Diyos, at anumang bagay ang gawin niya ay ginagawa rin ng Diyos na nananahan sa kanya. Dalawa po ang kumikilos dito, ang Diyos at ang kanyang anak na sumusunod sa Kanya.
John 5:19 ABAB
Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak."
Samakatuwid ay ganito, kung ang pananampalataya ay bigay ng Diyos, lahat ng bagay na nais ng Diyos na ating gawin ay magagawa lang natin dahil sa pananampalatayang ibinigay Niya sa atin. Kung gagamitin natin ang kaalamang ito sa ating buhay, ibig sabihin ay yung lakas o kagustuhang manalangin, halimbawa, na galing sa pananampalataya ay galing pala sa Diyos at hindi sa atin. Ah, ibig sabihin ay yung biyaya ng pagsunod natin sa mga ipinag-uutos ng Diyos ay galing din sa pananampalatayang ibinigay Niya sa atin. Yung pag-ibig na ginagamit natin para sa ating mga mahal sa buhay o para sa ating kapwa ay bigay rin ng Diyos dahil sa ating pananalig sa Kanya.
Hebrews 11:6 (AMB)
"Pero walang makalulugod sa Kanya pag walang pananalig. Dahil ang lumalapit sa Diyos ay dapat magtiwalang Siya nga iyon, at Siya'y tagapagbigay ng gantimpala sa mga masugid na naghahanap sa Kanya."
Kung akala natin ay kaya nating kumilos ng hiwalay sa Diyos, tayo po ay nagkakamali. Anumang gawin natin ng hindi gamit ang pananalig ay balewala sa Diyos. At bagamat ang isang mananampalataya ay malaya dahil sa Diyos, ang buhay na ating tinataglay ngayon ay buhay na galing kay Kristo. Ang lahat ay sa Kanya.
Juan 15:5 AMB
"Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa Akin at Ako sa kanya, siya ay nagbubunga ng marami, dahil kung wala Ako, hinding-hindi kayo makakagawa ng anumang bagay." Ngayon, matapos nating malaman ang ilan sa katotohanan ng Salita ng Diyos, sagutin natin ang katanungan,
"Kaya po ba nating udyukan ang Diyos para gawin niya ang isang bagay na gusto nating mangyari?" Ang sagot sa tanung na ito batay sa ating ipinakitang kaalaman sa Salita ng Diyos ay HINDI. Hindi natin kayang pagalawin ang kamay ng Diyos gamit ang panalangin o pananampalataya dahil wala tayong magagawa kung hindi Siya ang kumikilos sa ating buhay. Ang totoo nito ay ang Diyos ang siyang kumikilos sa ating puso at buhay para tayo ay makapanalangin at makapamuhay ng kalugod-lugod sa Kanya. Maging ang mga kabutihang iniisip natin ay galing din sa Kanya. Lahat ng bagay ay sa Diyos.
Ibig bang sabihin ay wala na tayong magagawa? Ibig sabihin po nito ay mas marami tayong magagawa sa pamamagitan Niya dahil Siya ay nananahan sa ating mga puso. Dapat lang alisin natin sa ating mga kaisipan at puso ang pagmamataas o pagiging arogante sa harapan ng Niya. Huwag po nating akalain na kaya nating turuan o magpagawa ng anumang bagay sa Diyos na hindi naman niya kalooban.
1 John 5:14 ABAB
Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.
James 4:3 MBB
At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan.
Comments