top of page
Writer's pictureEdmund Valdez

Binhi ng Isang Magandang Kinabukasan

Magandang araw at kumusta po kayo? Nais ko pong ibahagi sa inyo ang isang magandang topic na may kinalaman sa ating kinabukasan. Siguro naitanong niyo na ang mga bagay na ito,


"Ano kaya ang mangyayari sa buhay ko sa mga susunod na taon?" o

"Ano kaya ang plano ng Diyos para sa aking buhay?" o

"Ano kaya ang gagawin ko sa buhay ko?"


Ang mga tanong na ito ay hindi po madaling sagutin sa pamamagitan ng ating sariling karunungan, o marahil alam mo na ang dapat mong gawin, pero parang andaming sagabal o problema na pumipigil sa iyo patungo sa gusto mong destinasyon. Samahan niyo po ako na bulay-bulayin ang Salita ng Diyos


Genesis 12:8 (ABAB) Mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silangan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, na nasa kanluran ang Bethel, at nasa silangan ang Ai. Siya'y nagtayo roon ng dambana sa PANGINOON, at tinawag ang pangalan ng PANGINOON.


Ang ibig sabihin ng Bethel ay "tahanan ng Diyos" at ang Ai naman ay "tambak ng mga gumuhong bagay." Ang lugar na pinili ni Abraham ay matatagpuan sa pagitan ng dalawang lugar na ito. Di po tayo sigurado kung ang mga pangalan ng mga lugar na ito ay kilala na noong panahong iyon. Isa lang ang sigurado tayo, ang lugar na pinuntahan ni Abraham ay magiging sentro ng pagsamba sa mga taong darating. Kilala natin ito sa pangalang Jerusalem. Ang Jerusalem ay matatagpuan sa gitna ng lupang pangako, ang Israel. Ang bansa na tinatawag na bansa ng mga pari at mga hari ay nagsimula po sa lugar na ito. Sa puntong ito sa kasaysayan ng bayan ng Diyos ay makikita natin na naitanim ang binhi para sa banal ng bayan ng Diyos.


May tatlong elemento ang mapapansin natin sa "binhing" ito: una, ang Salita o pangako ng Diyos; pangalawa, ang lugar; pangatlo, ang tamang puso. Ang Salita ng Diyos ay na si Abram ay magiging isang dakilang bansa; ang lugar ay ang lugar na kung saan siya nagtungo, sa Canaan; at ang tamang puso ay ang puso na sumasamba sa Diyos. Tulad po ni Abram na nangarap magkaroon ng sariling anak o pamilya, mayroon po tayong mga pangarap sa buhay. Pero paano po maisasakatuparan ang mga hangaring ito? Usisain po natin ang buhay ni Abram at atin po itong matutuklasan. Una, kailangan po nating tanggapin ang pangako o Salita ng Diyos sa mga bagay na kinakaharap natin ngayon, pwede po itong problema sa mga mahal sa buhay, pinansyal, kalusugan, edukasyon o career. Saan pa natin matutuklasan ang pangakong ito kundi sa Biblia. Tayo po ba ay madalas na magbuklat ng ating Biblia o Salita ng Diyos? Ang Biblia ay hindi lamang po isang libro na gaya ng ibang mga libro na naisulat. Ito po ang mga Salita mismo ng ating Manlilikha (2 Timoteo 3:16-17). Sa pamamagitan nito ikaw at ako ay magkakaroon ng tinatawag nating "vision" o pangitain ng mga bagay na pwede nating angkinin sa ating buhay sa pamamagitan ng panananmpalataya. Ano na po ba ang sinabi ng Panginoon sa inyong buhay nitong mga nakaraang taon o buwan o mga araw na iyong binuklat ang Kanyang Salita? Kung mayroon na, dapat po natin itong ingatan at alagaan sa pamamagitan ng panalangin at pagsunod sa Diyos hanggang sa makamtan natin ang pangako Niya. Pangalawa, may mga bagay ba na sinasabi ng Salita ng Diyos na dapat nating gawin o puntahang lugar? Saan ka ba inaakay ng Panginoon kapag ikaw ay nananalangin sa Kanya? Pakinggan mo ang iyong puso dahil diyan madalas mangusap ang Banal na Espiritung nananahan sa atin. Anung klaseng trabaho o kabuhayan ba ang nilalagay ng Diyos sa iyong puso? Anung Church ang gusto niyang puntahan mo o mga tao na kailangan mong kausapin. Bago ka pagpalain ng Diyos, kailangan mong mapunta sa lugar o situwyson na gusto Niya para sa iyo, gaya ni Abram. Panghuli, kumusta naman ang iyong puso para sa Panginoon? Ikaw ba ay laging naghahangad na sambahin siya saan ka man naroroon? Sa iyong bahay o lugar na tinutuluyan, siya ba ang araw-araw mong sinasamba at pinakikinggan? Sinabi Niya na kung tayo ay patuloy na tatawag at magtitiwala sa Kanya, ipapakita Niya sa atin ang mga dakilang bagay na hindi pa natin naiisip Jeremiah 33:3 (ABAB) 3 Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman. Ang kaugnayan sa Diyos ay hindi lamang isang ritwal na ginagawa natin para lang maging espiritwal tayong tignan. O isang damit na isinusuot at hinuhubad kung gusto natin, kundi ito po ay buhay na nakatalaga sa layunin at kalooban ng Diyos sa bawat sandali na tayo ay nabubuhay.

26 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page